Tagalog news: San Fernando City Council, nasungkit ang National Local Legislative Award sa ikatlong pagkakataon

Tagalog news: San Fernando City Council, nasungkit ang National Local Legislative Award sa ikatlong pagkakataon

By Carlo Lorenzo J. Datu

Monday 11th of March 2013

LUNGSOD NG SAN FERNANDO, Pampanga, Marso 11 (PIA) -- Nasungkit ng Sangguniang Panlungsod ng San Fernando ang National Local Legislative Award (LLA)-Component City category prize sa ikatlong magkakasunod na pagkakataon.

Tinaggap ng mga miyembro ng koseho, sa pangunguna ni Vice Mayor at presiding officer Edwin Santiago, ang pagkilala, 50 libong pisong insentibo at isang milyong pisong halaga ng "development projects" mula kay Interior and Local Government Undersecretary Austere Panadero at mga opisyal ng Philippine Councilors League (PCL) na pinamumunuan nina President Alma Moreno at National Chairman Alan Zulueta.

Sa isang pahayag, sinabi ni Santiago na ang kanilang ipinamalas na galing ay bunga ng magandang relasyon sa pagitan ng lehislatura at ehekutibo sa pamumuno ni Mayor Oscar Rodriguez.

Dagdag pa ni Santiago, patuloy silang nakikipagtulungan sa ehekutibo tungo sa kanilang hangad na maging "Habitat of Human Excellence" ang San Fernando.

Layunin ng LLA na kilalanin ang mga sangguniang bayan at panglungsod na may mga magagandang pamamaraang panglehislatura na nagsisilbing basihan sa mabuting pamamahala.

Para sa kasalukuyang termino, sinuri ang naging performance ng mga lokal na konseho mula ika-isa ng Hulyo, 2010 hanggang ika-30 ng Hunyo, 2012.

Kabilang sa criteria ang bisa ng legislative agenda na dapat sumasangguni sa executive agenda, bisa ng legislative tracking system, maayos na legislative documents at bilang ng mga naipasang ordinansa na may malaking epekto sa komunidad gaya ng "local tax code" at "comprehensive land use plan."

Kinilala ang San Fernando City Council dahil sa pagpasa nito ng Annual Investment Incentives Program, Comprehensive Development Plan, Revenue Code, Solid Waste Management Plan, Appropriation Ordinance at City Risk Reduction and Management Code na siyang kauna-unahan sa buong bansa.

Nakapasa ito ng kabuuang 202 ordinansa at 1,262 resolusyon na nakatuon sa iba’t ibang komunidad at sektor. (WLB/CLJD-PIA 3)

Cabatuan.com - Kasimanwa.com - Austere Panadero




















Boracay, Aklan